Nagmuni-muni ako sa mga nagdaang linggo. Nag-aalinlangan ako kung may kailangan pa ba akong idagdag kung nailabas na lahat ng saloobin, naiparating na lahat ng punto de bista at naipahayag na lahat ng pananaw. Ano pa bang dahilan para gawin pa ito? Napagtanto kong wala na ring saysay.
At wala na talagang saysay.
Kung hinayaan kong alipinin ako ng aking pagdududa at sarilinin na lang ito. Muntik ko nang ipaubaya ito sa kabisihan na siguradong mauuwi na lang sa kawalan.
Sa gitna ng sitwasyong ating hinaharap, sa impluwensiya ng ating mga nakikita't naririnig, sa mga pangyayaring kinulapulan ng tunggalian at nagresulta sa mga bagay na di inaasaha't ikinagimbal at inalmahan ng karamihan, meron pa bang silbi na humikayat at subukin ang kaisipan ng bawat matang babasa ng aking ilalatag?
At diyan pumasok ang pag-asa.
Pag-asa na hindi nagbabalita kung may bagyo o wala. Hindi yun iyon.
Pag-asa sa pinakadalisay nitong uri na siyang ginawa kong inspirasyon kaya ko itinuloy.
Pag-asang ang pinagmumulan ay hindi yung aking nakikita sa araw-araw na balita. Pag-asang di nanggaling at titigil lang sa pagkakaroon ng positibong pananaw. Pag-asang di kayang tumbasan ng salapi o ari-ariang pinanghahawakan. Pag-asang di kayang unawain ng mundong ginagalawan. Pag-asang di nakalagak sa mga taong maaari kong asahan. Pag-asang kapag binigyan ng pagkakataong maghari at mamayagpag, kahit subukan mang bitawan ay hindi pa din mang-iiwan.
Pag-asang aking pinaghugutan kaya naisulat itong nilalaman.
Kasi napansin ko, tulad ng Pag-ibig, binigyan na natin ng sariling kahulugan ang salitang ito dahil iminungkahi ito ng ating mga pinagdaanan.
Namuni ko, kung ang lahat ng tao'y magkakaroon, di lang ng pag-asa kundi pag-asang dalisay, una sa Diyos, pangalawa sa sarili, at pangatlo, sa mga taong nakakasalamuha niya, siguro di na natin kailangang humantong dito.
Kaso, tayo mismo ang nagiging dahilan kaya ang kawalan ng pag-asa'y laganap at numunuot sa pinakamalalim na bahagi ng ating pananaw. Hindi ko masisisi dahil sa karanasan ng kabiguan nang ikaw ay umasa. Marahil lahat naman tayo ay umasa. Pinanghawakan at pinagtalunan ng diwang dala ng biyaya ng bawat umaga na ang bunga ang siyang maghihiwalay sa desisyong ginabayan ng katalinuhan o kahangalan. Umasang magiging maayos ang lahat. Umasang magbabago ang lahat. Umasa na kahit lubos nang nahihirapan ay di pa rin dumating ang inaasam. Umasang akala mo matatapos na, yun pala nadugtungan pa.
Umasang magiging kayo. Biro lang.
Umasang kung lahat ay mangyayari sa plano mo ay sasaya ka na.
At kung sasaliksikin mo ang pag-asang pinanggagalingan ng mga pwedeng makausap mo ay matutumbok mong hindi na ito nakaangkop sa tunay nitong kahulugan.
Ito ang Pag-asang di nagsasawang manghikayat araw-gabi sa atin na dumulog at makipagniig sa Kanya.
Kaso marami Siyang kakumpitensya. Mga araling kailangang aralin. Trabahong kailangang tapusin. Okasyong kailangang daluhan. Sarili na kailangang patunayan. Kayamanang kailangang ipunin. Diwa't pananaw na kailangang iparating. Mga kailangan na kailangang kailanganin.
At lahat ng iyan, nag-uunahan makaupo sa trono ng isipan mo at makapukaw sa puso mo.
Aminin mo man o hindi, nabigo mo din Siya nung panahong umasa Siya sa iyo. Ang kagandahan lang gayumpaman ay hindi Siya nagsasawa hanggang sa mga oras na binabasa mo ito na tugunan ang pag-asang ibinibigay niya sa iyo kahit di mo napapansin. Na magbago, manumbalik at manampalataya. Kasi ang pag-asa kalauna'y mauuwi sa pananampalataya. Pero ibang magandang usapan yun. Pero dito muna tayo sa pag-asa.
Lahat tayo dumadaan ngayon sa krisis. Pero may hinala ako. Hindi lahat ng taong makakalampas sa krisis na ito ay magbabago. Iyan ay kung di hahayaan ng tao na baguhin siya nang napakagandang pagkakataong nitong mailagak muli ang pag-asa ng kanyang buhay sa tunay nitong pinanggalingan.
Walang anumang bagay ang pwede pang iparis sa dakilang katauhan at pangalan na ibinigay sa silong ng langit at dapat kilanlin ng puso't isip ng tao. Siya'y si Hesus.
Simple lang ang nais kong iparating, kaibigan.
Kung ang pag-asa mo ay nakalagak sa kung sino ka o saan ka naroroon o sa kung anong kakayanan o pag-aaring meron ka, sa teknolohiya o progresong pinapakinabangan mo ngayon, o mga ideya't pananaw na meron ka na taliwas sa dalisay na kahulugang dapat ipahiwatig nito, mag-isip isip ka't siyasatin mo ang sarili mo.
Ang tunay na pag-asa ay tanging makakamtan lamang sa Kanya.
Pag-asang umasa muli sa panibagong bukas taglay ang katiyakang hindi kayang ibigay ng mundo at Siya lamang ang makapagbibigay.
Kay saya na hindi madaliin ang makipag-usap at makipagtalastasan bawat umaga sa Kanya na bumabalong ang Bukal ng Buhay na pinanggagalingan ng aking pag-asa.
Kay tatag tayuan ang pag-asang ito na siyang magtitindig kapag ang aking sarili'y makitang malubog sa dagat ng alinlangan.
Kay gandang asahan ang pag-asang ito na magiging angkla upang mapanatili ako sa naglalakihang hampas ng mga alon.*
Kay gandang karangalan na ang pag-asang ito ang pagmumulan ng kumpiyansang maging daluyan ng kasagutan sa sinumang hihingi ng paliwanag para ipahayag ang biyayang ito.**
Kay sarap tamasahin na ang pag-asang ito ay para sa iyo at sa akin. At sa pag-asa ding ito kong isinusuko ang anumang pag-alala't pangamba na nais ipukol nang mapandarayang mundo na ito sa isipan ko.
Kay gandang patunayan na ang pag-asang ito'y nakasandig sa di mapasubalingang kasiguraduhang kinilala ng kalangitan at saksi ang kalupaan.***
Kay sarap isipin na hindi ko kailangang kumapit sa pag-asa dahil ninais ng pag-asa na ilagay ako sa kanyang kamay at di niya hahayaang agawin ako ng sinuman o anupaman.****
At kung sakaling matapos na ito ay hindi na sana tayo bumalik sa dati.
Sa dating kalagayan na malayo sa kanya. Bagkus lalo pa sana mapaigting ang pagkakilala mo sa Kanya dahil nakilala mo na siya ng lubusan.
Bilang pagtatapos, nais ko lang ipabatid na gamitin mo ang napakagandang pagkakataong ito upang ibalik mo ang pag-asa mo sa Kanya. Sa Kanya na parating nag-aantay na katagpuin mo. Siya lang at ikaw.
Sa Kanya na iniwan ang kalangitan upang yakapin ang iyong karumihan at palitan ng kanyang katwiran. Sa Kanya na may hawak ng lahat. Sa Kanya ang ating pag-asa.
Kaakibat ng pag-asa na iyan ay ang kalayaang walang kapantay na galing sa Kanya. Na hindi mauuwi sa pang-aabuso't kataksilan bagkus sa lalo pang pagibig, pangangalaga at katapatan.
Tingnan mo kung anong nagagawa ng pag-asa.
Hindi mabubuo ang piso, libo, milyon, o bilyon kung kulang ng dalawang limang sentimo. Halagang kay liit pero hindi maitatatwa ang ambag na halaga. Hindi ko din mawari kung paano mo haharapin ang panahong ito kung wala ka ng sinasabi ko.
Nasa sa iyo ang pagtugon.
*Hebreo 6:19
**1 Pedro 3:15
*** Hebreo 7:19-27
****Juan 10:28
"Kung meron mang trahedya sa ating panahon sa kung bakit marahil ang iglesya ay nabigo sa partikular na henerasyong ito ay dahil hindi natin ibinigay ang katotohanan sa dalisay nitong paraan dahil kadalasa'y tayo'y nakikinabang sa pagkakait na ibigay ang kumpletong katotohanan." - Ravi Zacarias
Siyasatin mo, O Diyos ang puso ko upang maitama mo ang pagkukulang ko't maging kasangkapan ng katotohanan mo na maari kong ibahagi sa mundo. Amen.