Miyerkules, Abril 17, 2013

"Ala-ala ng Aking Mga Kinita."

        Sa tuwing nakikita kami ni tatay na may hawak kaming pera na kinita namin sa mga side-line na pinapasok naming magkakapatid, magkukwento ang tatay tungkol sa mga karanasan niya nung binata pa siya nang kasing-edaran niya kami at ibinabahagi niya sa amin kung paano siya kumita ng salapi upang masustena niya ang kanyang sarili nung mga panahong siya'y nag-aaral pa.

     At naikonsidera ko, tanging alaala na lamang ng kanyang isipan ang nagsilbing tagapagtala ng kanyang mga karanasan. Naisip kong isulat naman ang sa akin, dahil mapagpakumbaba kong masasabing nagkaroon din ako ng mga karanasang di malilimutan katulad ng kay tatay na habangbuhay nang nakaukit sa aking kasaysayan.

   Narito ang mga gawaing pinasukan ko habang ako'y estudyante pa lang at tuwing baksayon, (miski kahit may pasok din) na pinaglalaanan ko ng panahon upang kumita ng kaunting salapi sa panahon ko. At mga napag-ninilay-nilayan ko kapag ginagawa ko iyon.


Pintor
     Tuwing bakasyon ay parati akong kinokontak ng highschool teacher ko na pinturahan yung klasrum na pinagkaklasehan niya. Usapan na namin iyon kapag katapusan ng klase. Panata ko na din upang maalala ko ang eskwelahan ko na naging bahagi na rin ng aking magagandang alaala nung hayskul pa ako. Nakakatipid din kasi si sir kapag ako tumitira ng pagpipinta. Nalulungkot lang nga ako kasi parati akong pinapahirapan ng mga batang huling nagklase doon dahil tadtad ng bandalismo na pentel pen at bolpen ang ginamit na kay hirap burahin kung di mo pagtatyagaang burahin ng thinner o gaas sa pader. Salamat sa pintura at thinner. Kung paano nadumihan ng mga sulat nila ang pader ng room nila ng isang school year ay mawawala sa anim na oras ng pagpipinta. Sapat na ang tres-syentos na binibigay ni sir pagkatapos ko mapinturahan ang loob at labas ng apat na sulok ng silid na iyon


Encoder
     Sa bawat grading period sa highschool ay tinatawagan ako ni highschool teacher ko na mag-encode ng grades dahil sa di na niya kaya na gawin mag-isa. Isipin mo, anim hanggang pitong seksyon ang hawak mo na may animnapung estudyante kada isang seksyon tapos iisa-isahin mo iyong aayusin. Naintindihan ko sa puntong iyon ang hirap ng bawat gurong nagtuturo sa public schools tapos ang liit ng sweldo nila, dami nang pinapagawa. Masasabi kong isa sila sa mga napapanahong bayani sa bayan natin na di minsan nabibigyang pansin. Mga tatlong araw namin ginagawa iyon. Nang maipasa ng K-12 curriculum, lalo pa kaming nahirapan. Mga isang linggo naming tinarabaho  iyon. Bigyan lang ako ng isang-daan ng titser ko, maligaya na ako, panggamit kong pamasahe sa skul kinabukasan.



Mekaniko
       Actually, sa pinapasadahang sasakyan lang ako ni tatay nag-memekaniko. Mahal kasi pag sa labas pinagawa. Sa walong taon na pamamasada kasama ni tatay ay natutunan ko sa kanya kung paano mag-ayos ng multicab at malaking bentahe iyon dahil di na namin kailnangang magpagawa sa labas at singilin kami ng mahal. Nahinuha kong kapag meron kang karunungan ay makakatulong sa iyo ng malaki. Dahil may alam kami ni tatay sa pag-aayos ng sasakyan, malaki ang natitipid ng may-ari. Ayos na siento-singkwenta kapag madali hanggang dalawang daan kapag medyo mabigat ang gagawin.



Kolektor ng Pamasahe
    Sa terminal ng mga multicab sa ruta namin, minsan ay pinapagsingil ako ng mga tropa. Tapos kada multicab ay bigyan nila ako ng lima o sa iba, sampung piso bilang tip sa pagsingil. Minsanan ko lang iyon ginagawa pag walang taga-singil sa amin. Umaabot din ng siyento-singkwenta pag naipon na sisimulan ko ng alas-singko nang hapon hanggang gumabi.
     Napatunayan ko sa sarili ko ang katagang ito habang ginagawa ko ito, kapag ang maliit, kapag naipon ay lumalaki din pala.
     Kapag biyahe naman ni tatay o kung yung may-ari yung bibiyahe, sinasamahan ko silang pumasada, at ako naman ang nangongolekta. Medyo katawan mo lang ang isususog mo dahil para kumita ay kailangang tanggapin mo ang usok at alikabok sa daan. At kapag nakauwi na kami, magpupunas ako ng bimpo at makikita ang matinding usok na kumakapit sa akin kapag hinagod na nito ang mukha't kamay ko bago matulog. Sa buong maghapon, ay bibigyan nila ako ng isang daan, para may panggastos din ako kahit papaano.



Runner
       Ito naman ay kapag may gustong ipaasikaso sa akin yung mga kaibigan ko at ipabibilin sa akin na ipagawa para maayos ang isang bagay o kung may gusto silang ipabayad na mga bills and payments. Binibigyan ako ng mga nagpapalakad sa akin ng mula isa hanggang dalawang daang piso.



Sticker Stamper
     Aksidente ko lang natutunan ang gawaing ito. Sinalo ko ito nang hindi na nagkakabit ng sticker ang dapat gagawa nun na kontak ng operator ni tatay sa pamamasada. Yun iyong "May Reklamo Ka? Itawag sa LTFRB.." na ikinabit ko sa gilid ng mga multicab alinsunod sa memorandum na ipinalabas ng LTFRB na kailangang kabitan ang mga pampasadang sasakyan sa buong bansa. Sa kooperatiba lang namin ako nagkabit. Medyo kumita din naman ako ng maganda na siyang nakatulong sa akin at nakapagbigay din ng pambaon sa mga kapatid ko.



Helper
    Minsan, kapag kailangan ng manpower, or reinforcements para mapabilis ang trabaho, kinokontak ako ng mga nakakakilala sa akin. Depende sa kung ano ginagawa nila. Gagawin ko naman ng may husay kahit maliit lang ang trabaho. Isa riyan ay yung aming pastor sa Sta. Rosa, o kaya yung kakilala ni tatay sa bahay, o kaya yung co-teacher ng highschool teacher ko, na gustong magpatulong.
    Tapos binibigyan nila ako ng kahit pampamasahe na siyang ipinagpapasalamat ko sa kanila.



     Napaunawa sa akin ng mga karanasang ito ang tunay na realidad ng paghahanap-buhay. Kung paano mo kikitain ang kulay ubeng papel sa buong maghapon at kay daling dumaan sa kamay kapag ginastos. Ngunit sa kabila noon ay nailalagak ko ang aking mga oras sa mga kapaki-pakinabang na mga bagay, na nakalinya sa bagay na sinanay ko nang gawin, ang makapaglingkod.
     Ang perang kinita ko sa mga gawaing ito ay nagamit ko na. Bagkus, wala na. Pero ang mga karanasan ko rito ay mananatili habang-buhay sa aking isipan at pagkaunawa sa ilang mga bagay-bagay.
    At sa pagtanda ko, marahil mabalikan ko ang sulating ito at maipabasa ko sa magiging anak ko kung ano ang pinagdaanan ng kanilang ama katulad ng ginagawa sa amin ni tatay. Marahil magiging dahilan ito upang mamulat sila at maging responsable sa kanilang mga ginagawa na siya ring ipinaunawa sa amin ni tatay sa panahong ito.
    Dahil sadyang napakabilis dumaan ng panahon. Kahit papaano ay masasabi kong naitala ko ang mga pangyayaring ito na magiging parte na lamang ng aking alaala. : D



         
 

Walang komento :

Mag-post ng isang Komento