Ang lahat ng bagay ay may dahilan. At masasabi kong ang usapang naganap nang araw na iyon at ang mga bagay na kanyang ibinahagi* ay nangyari para bigyang dahilan na makapagsulat akong muli. At sa kagustuhan kong maiparating ito sa pinaka-simple at (hangga't maari'y) pinaka-malinaw na paraan, papatunayan muli ng perspektibong ito ang di mapapasubalingang katotohanan ng kasabihang ito na iaangkop ko sa Salita ng Diyos. At iiwan ko na sa mga mambabasa kung naisakatuparan ko ba ang layuning ito o hindi.
Pag sinabing tinitignan, nagpapahiwatig ito ng mabilis na pagtingin, pagsulyap, o pagtanaw. At nagaganap ito ng mabilisan, anu't ano pa man ang dahilan, upang mabigyan ng panandaliang kasagutan ang mga katanungan ng sitwasyong kinabibilangan sa ating isipan.
Sa aking pag-aanalisa, nauuwi sa dalawang dahilan kung bakit ginagawa natin ito (sadya man o hindi namamalayan). Ito'y upang malaman ang katiyakan ng isang bagay at upang mamalayan natin ang mga bagay at buhay (partikular sa tao) na may kaugnayan sa atin. Ang anumang tinitignan ng ating pisikal na mata ay pinoproseso ng ating isipan na siyang umuukit ng ating mga nauunanawaan.
Ang buhay nating ito ay punung-puno ng istorya (at hangga't nabubuhay ay madadagdagan pa) at hindi iyon nabuo (at mabubuo) nang hindi natin sinusubukan munang tignan ito, mapasimple man o mapaseryoso.
Ang mundong ito ay sanay na sa pagpapakita ng mga bagay na nais lamang nitong ating tignan. At dahil dito'y nagsisimulang lumitaw ang mga bagay na kumukumbinse sa ating mga saloobin. Ang kaaway ay mas malala pa.
HIgit pa sa anggulong panlilinlang, kung susuriin pa natin ng maigi ang nangyari sa lumang tipan**, matapos ang usapan sa pagitan ni Eba at ng ahas tungkol sa bunga ng punungkahoy na ipinagbabawal kainin ng Diyos sa kanila ni Adan, nakumbinse ng ahas na matignan pa din ni Eba ang punungkahoy. Hanggang hindi na niya namalayan, siya'y unti-unting nabulid sa bunga na kanyang tinitignan (dahil lumitaw itong maganda sa kanyang paningin at nabuo sa isipan niya na mas mabuti ang maging marunong). At naisakatuparan ang isang tusong layunin.
Sa maikling panahon, dahil hinayaan ni Eba na maimpluwensiyahan siya ng kanyang tinitignan, naalis sa kanyang paningin ang ipinagbibilin sa kanila ng Diyos, naibaling ang paningin ni Eba sa mga bagay na kanyang matatamo at makukuha para sa sarili. Na nagpalimot din sa kanya na siya'y nilikha na kawangis at kalarawan ng Diyos.
Sa maikling panahon, dahil hinayaan ni Eba na maimpluwensiyahan siya ng kanyang tinitignan, naalis sa kanyang paningin ang ipinagbibilin sa kanila ng Diyos, naibaling ang paningin ni Eba sa mga bagay na kanyang matatamo at makukuha para sa sarili. Na nagpalimot din sa kanya na siya'y nilikha na kawangis at kalarawan ng Diyos.
At ginagawa niya pa din ito hanggang ngayon. Ito ang kanyang panimulang atake bago siya makapanlinlang.
Ito ay ang maalis ang ating paningin sa Diyos at ibaling ang ating mga mata na tignan ang ating mga sarili (paniwalain ka sa mga bagay na nakikita ng iyong mata at maituon sa mga bagay na hindi maganda), sa ating mga kahinaan, kakulangan, pagkakamali o pagkakasala. Dahilan upang tayo'y mag-alala, matakot humakbang, magdalawang-isip o mamroblema.
O kaya, sa ating lakas, abilidad, talento, estado, tagumpay, kaalawanan, kahusayan, katalinuhan na kapag di namalayan ay manangan na sa sarili at magsarili.
Alin man sa dalawang ito ang mapagbalingan, parehas silang nag-uudyok sa tao na bumuo ng mga pananaw na nakabase sa kanilang nakita sa maikling panahon lang.
Ang iyong kahinaan o kalakasan sa buhay ay nararapat lang tignan. Ang kalaban ay matagal nang talunan. Nasa iyo ang desisyon kung paano mo ito titignan. Tignan upang bigyan ka na lamang ng kamalayan at hindi iyong maging batayan upang limitahan o hayaan ang iyong sarili sa mga nais gawin. Pero ito ang ang magpapakita sa iyo ng mga bagay na dapat mong ayusin, magpabatid sa iyo ng mga bagay na dapat mong ipagapasalamat at pagbutihin pa, o magpahanda sa iyo sa mga bagay na kinakailangan mong panindigan.
Isalamapak natin sa tunay na buhay.
Ang mga bagay na ating tinitignan ay maaring makaimpluwensiya sa ating mga pangarap, layunin, ambisyon, desisyon, at kapalaran.
At hindi patas lumaro ang mundong ito. Kung ganun ang labanan, saan mo itutuon ang iyong mga mata para makahugot ka ng lakas, tibay ng loob para di ka matinag, at pag-asa para ituloy ang buhay?
Mabuti na lang at kahit sa kabila ng lahat ng mga ito, mayroon tayong pwedeng pagtuunan ng ating paningin kahit ano pa man ang ating nakikita.
Kapag sinabing tinititigan, nagpapahiwatig ito ng buong atensyon ng ating paningin. At ginaganap ito ng matagalan, anuman ang maging dahilan, upang mai-rehistro sa isipan ang mga bagay na nais maalala ng pangmatagalan. At hindi ito biglaang nakakalimutan. At kapag nakasanayan, ito'y nagpapanatili at nag-iiwan ng alaalang nakalapat sa ating kamalayan magpakailanman.
Ang anumang tinititigan ng ating paningin ay nagpapalabo sa mga bagay na hindi pansin ng mata (na pinaghalawan ng "pokus" sa kamera) at higit na binibigyan ng importansiya. Ito'y higit na pumapanhik sa kaibuturan ng kaluluwa sapagkat inuunawa iyon ng isipan na iyon ay mahalaga.
Ang pagtitig sa anumang bagay ay ginagawa dahil ito'y ginusto at hindi ipinagpipilitan, ni iniuutos ng sinuman. Hindi mapupukaw ang mata ng mga bagay na lingid sa tinititigan nito dahil ang desisyong ipinasiya sa isipan ang nagtutulak sa buong diwa na tumatanggap ng mga impormasyong nasasagap ng mata ay nakatuon din ng husto dito.
Sinasabi sa Bibliya na "Ituon natin ang mga mata kay Jesus na siyang nagpasimula ay nagpapaging-ganap ng ating pananampalataya."*** Ang "pagtuon" sa kontekstong ito ay maari din nating ipakahulugan bilang "pagtitig" sa kanya.
Pamilyar na tayo sa mga bagay na ating kinamulatan at parating tinitignan sa ating paligid. Ang buong sangkatauhan ay naghahanap ng maaari nilang pagtuunan ng paningin upang maiba sa kadalasang nilang nakikita, lalo na kung ang kanilang tintignan ay paulit-ulit, di kaaya-aya, nagbabago, nakakapagod, o nakakasawa. Ngayon, saan natin maibabaling ang ating paningin para mabigyang kasagutan ang ating mga katanungan, magbigay kaligayahan sa ating kabalisahan, kasapatan sa ating kakulangan, kapakumbabaan sa ating kataasan, katwiran sa ating mga kalikuan?
Buti na lang at may solusyon. (#thankyouLord!) :)
Buti na lang at may solusyon. (#thankyouLord!) :)
Hindi mawawalan ng kulay at kahulugan ang buhay na ito kung parati tayong nakatuon kay Kristo. Siya lamang kasi ang makapagbubuo ng ating kakulangan. Ang makapagbabago ng ating buhay. Ang makapagtatagpo ng ating pangangailangan. Ang makapagpapaganap ng ating mga kagustuhan (na nakapaloob sa kalooban ng Diyos). Ang makapagbabalik ng mga bagay na nawala. Ang makakapagpababa ng anumang bagay na mataas. Siya lamang kasi ang pwede nating maging inspirasyon para magampanan natin ng matiwasay ang karerang nakalaan sa atin. Dahil ito'y kanya ring ginawa, at tinapos niya ito ng matiwasay sa krus. Sa kanya natin maaring ituon ang ating paningin. At kung may kumuwestiyon dito, may iba pa kayang makahihigit maliban sa kanya? Ewan ko lang.
Kung kaya't ang patuloy na pagtitig natin sa kanya'y nagbibigay dahilan para lubusan pa nating maunawaan kung ano ang kanyang katayuan sa atin at ano ang ating katayuan sa kanya. Habang patuloy ang pagtitig, lalo pa tayong titindig.
Dahilan upang hindi na tayo maimpluwesiyahan ng mga bagay na ating tinitignan, maging problema man ito o sirkumstansya, o kaya ang ating mga sarili.
Pero kadalasan, (ako aminado minsan) natititigan ng marami ang kakulangan ng kanilang sarili at tinitignan na lang ang Diyos. Hindi dapat maging ganoon. Mas masaya ang buhay kung parati nating tinititigan ang Diyos at tintignan na lang natin ang ating mga sarili. Kasi habang tayo'y nakatuon sa kanya, hindi mo siya pagsasawaan, at habang tumatagal ay may mga bagong bagay kang nalalaman at mauunawaan sa kanya.
Habang tayo'y nabubuhay, itakda na natin sa ating mga sarili ang nararapat nating tignan at dapat nating titigan. Bakit?
Dahil marami pang pupukaw ng ating paningin sa buhay na ito at kinakailangan nating maging matatag sa buhay na ito. At sana'y hindi ang anumang ating tinitignan sa mundong ito kalaunan ay siya nang ating tinititigan.
Bilang pagtatapos, ang perspektibong ito ang siyang nagpaalala sa akin kung saan ko dapat ituon ang aking paningin sa buhay na ito. Dahil alam ko na kapag ito'y aking ginawa, hinding-hindi ko ito pagsisisihan.
Napakaraming mga bagay sa mundong ito ang maaari, posible, at pwede nating tignan. Pero kung titigan ang labanan, maigi nang alam na natin kung kanino ito dapat ilalaan.
Sa kanya lamang natin malalaman ang kasagutan, ang ating halaga, saysay at kabuluhan. At iyon ang makapagbibigay pag-asa sa atin upang tayo ay magpatuloy, magpakatatag, umangat, at magtagumpay. Pero para mapununan parati ang pag-asang iyon, kailangan mo Siyang titigan, wag mo lang tignan.
Marahil, nagkakaroon na kayo ng ideya kung ano ang kasabihang ipapahiwatig ko dito. Ang dalawang bagay na ito ay ginagamitan ng paningin pero kung ano, kanino, at paano mo ito gagamitin ang magtatakda ng mga bagay, hangarin at pag-asang iyong kakailanganin sa buhay pa na ating kakaharapin.
Ayan. Dalangin ko na ito'y maikunsidera niyo ito sa inyong pang-araw-araw na buhay. Mahaba pa ang ating lalakbayin. At marahil, magandang panahon ito upang mapagtuunan na ito ng pansin upang magamit natin ng tama ang ating paningin.
At kapag isinabuhay, dun mo lubos na mapapatunayan na magkaiba talaga..
ang tinitignan sa tintitigan. :)
-------
*ang usapang iyon ay naganap nung Biyernes ng umaga nang si kuya Leo, ako, at si kuya Daryl ang natira sa lugar na aming pinagkakakinan sa nakaraang outing ng Crossover-Youth volunteers retreat sa Camp Benjamin, Alfonso, Cavite.
[kuya Leo, I give to you the credits]
**Genesis 3:1-6.
***Hebreo 12:2.