Sabado, Hunyo 28, 2014

"Angklang Nakatarak."

Ang titser ko nung hayskul ay nagplano nang pumunta sa lugar na ito dalawang taon na ang nakakaraan. Hindi kami natuloy nung una naming sinubukan dahil hindi pa gawa ang daan at wala kaming sapat na budget para marating ang lugar pagkat mula Nasugbu ay babagtasin mo ang mahabang biyaheng akyatin sa traysikel at maglalakad ka sa rough road na daan at ilang bundok para marating ang lugar na iyon.

Sa entrada pa lang ng aking pagkukuwento, maiisip mo na na marahil ay sadyang napakalayo ng lugar na aking binabanggit, at sakripisyo ang pumunta sa lugar na iyon. Hindi ka nagkamali. Ganoon ang senaryo apat na taon na ang nakararaan. Ngunit salamat kay Biang.* Ang kanyang butas ay siyang naging aming lusutan na nakaraang taon lamang binuksan.

Si Sir Allan ang siyang contact ng aking hayskul titser doon. Siya ang tanging gurong nadestino sa baryong kinamumuogan ang mga bundok kaharap ang napakagandang dagat tanaw ang Carabao Island at Corregidor. Kaya siya napadpad dun dahil nung nagkabalasahan kung sinong may gustong magturo sa lugar na iyon sa harap ng maraming guro ay walang ibang nagtaas ng kamay kundi siya lang. Siya’y pinalakpakan at naturalmente, sa kanya iginawad ang lugar na ito na mayroong kurikulang pang-elementarya lang nung panahong iyon.


  
          Minarapat na naming iwan ang kotseng dala namin at naglakad kami ng halos isang kilometro mula sa pasukang daang tabi ng baybaying dagat hanggang sa iskul. Mula sa kubong tinatambayan ni Sir Allan na nagsisilbing pahingahan ng mga kasama din niyang mga guro, abot tenga ang ngiti niya nang matanaw niya kaming tatlong papalapit sa kanila. Laking gulat nga niya kung paano kami nakapasok ng ganung kadali sa baryong iyon dahil di basta-bastang nagpapapasok ang mga sekyung nakaposte sa bukana ng daanang iyon kung wala kang bigating padrino na aakalaing mong nagbabantay ng isang exclusive subdivision.






Ang Daan papuntang Barrio Sta. Mercedes, Margondon, Cavite a.k.a Patungan, kung saan nakalagak ang nasabing paaralan.

Pinatuloy niya kami sa kanilang kubo at nagkamustahan ang dalawang dating magkasamang guro noon sa Bacoor Natonal Hgh School-Annex. Ang kanilang mga ngiti sa gitna ng kanilang usapan ay di mapaparis, na umikot sa kani-kanilang buhay matapos nilang maghiwalay ng landas dahil nadestino na si Sir Allan sa lugar na ito at nanatili si Sir Obet na magturo sa Burol.** (Kanang Litrato, sa kaliwa: Sir Obet. sa Kanan: Sir Allan.)



Naikuwento niya sa amin kung paano siya nagsimulang magturo sa ganong kalayo at dulong komunidad na kahit sinong gurong tatanungin ay di tatagal magturo doon. Sa gitna ng kanilang usapan ay umalis muna ako panaglitan upang ikutin ang nasabing compound ng paaralan. Naisip ko na ito’y pinondohan ng gobyerno upang maitayo ang mga silid aralan. Napansin ko din na may isang two storey buliding na hindi natapos. Iniisip ko din na ang kuryenteng ginagamit nila ay pinapatakbo ng Meralco para sa bentilasyon ng mga silid aralan. Nakita ko din ang kapayakan ng pamumuhay ng mga bata dahil ang lahat ng mga estudyante ay naka-tsinelas. 






      
   Matapos akong magmasid ay binalikan ko sila sa kubo, at nagpahanda si Sir Allan ng aming tanghalian sa kantina ng kanilang iskul at inihain sa amin ang kanilang nakayanan. Maming dilaw na hinaluan ng gulay, maraming fishball na may matamis na sawsawan, kanin, at puting sago bilang pantulak. Sa pag-uusisa ni Sir Obet kung paano nagkaroon ng  hayskul dito, nagsimulang magkuwento si Sir Allan. Na siyang nagpabago sa aking mga hinuha nung una nung aking napakinggan at kinamanghaan ko matapos kong libutin ang buong compound. 


Nang siya’y unang tumapak sa lugar, isang maliit na paaralang elementarya ang kanyang inabutan na sinimulan pala ng kanyang lolo mahigit pitumpung taon na ang nakakaraan. Nang maglaon, nagdesisyon siyang simulan ng kurikulang hayskul ang komunidad na ito upang maipagpatuloy ang pagtaas ng antas ng pag-aaral  ng mga bata kesa tumigil ito dahil di nila kakayanin ang maglakad araw-araw ng balikan o dahil sa wala silang 300 pesos upang maipambayad sa pamasahe kung sa bayan sila magha-hayskul. Lahat ng dakilang bagay ay naganap sa isang maliit na simula. Hindi na niya batid kung anong pagod at hirap ang kanyang tatamuhin at mga sakripisyong kanyang gagawin para maisakatuparan ang layuning ito dahil sa kagustuhan niyang maturuan ang mga batang nakatira sa ganoong kaliblib na lugar at makapagtanim ng binhi ng kaalaman sa mga kabataang namumuhay rito.

Salamat sa bangka ng asawa ng kanyang hipag. Sa nakalipas na apat na taon, ito ang naging transportasyon niya nung wala pang daan na mula Ternate’y kakain ng higit-kumulang isang oras na biyahe sa dagat para marating ang lugar na iyon. Naikuwento niya din kung paanong unti-unting naitayo ang eskwelahang hayskul sa baryo na kung saa’y naitatag dahil sa pagbibigkis ng mga mamamayan doon. Mapalad and eskwelahan at nabiyayaan silang makabitan ng Solar Panel mula sa grupo ng mga gurong Hapon na isang NGO na nais tumulong sa mga paaralang higit na nangangailangan para maipagpatuloy ang sistema ng edukasyon sa mga lugar na ito. At ang skul ay humuhugot ng kuryente sa solar energy upang mabigyan ng bentilasyon ang mga bata. At kaya pala di naituloy ang nangangalahati na sanang two-storey building ay dahil sa isang sitwasyong nagdulot sa kay Sir Allan na magdesisyong ipatigil pansamantala ang pagpapagawa ng bagong silid-aralan.   
              


         Naging tour guide namin si Sir Allan. Niyaya niya kaming puntahan ang kinalalagyan ng kamapanang nakaguhit ang pangalan ng kanyang lolo sa simbahan doon bilang patunay na matagal na talagang namumuhay ng tahimik ang komunidad na iyon. Pagkatapos ay naglakad kami sa tabing baybayin at itinuro niya ang maliit na kubol kung saan dun siya unang nagsimulang magturo. Dahil sa galante si Sir Allan, nagpamiryenda muli ito ng Pop Cola at Clover Chips. Tuloy-tuloy ang kuwentuhan. Pati ang mga kalokohang kanilang pinanggagawa noon sa Burol** ay nadamay pa sa usapan. Matapos ang dalawampung minuto ay inaya kami ni Sir Allan sa tinatawag niyang “Pinalayang Pook.” Dahl curious si Sir Obet na puntahan ito, dinayo namin ang nasabing pook. 






Habang papalapit sa nasabing lugar ay may mga pamilyar na bagay akong nakita na hindi ko inaasahang makikita sa lugar na iyon. Makalampas sa boom na kawayan sa bandang kanan ay nakalagak ang tirahan ng hipag ni Sir Allan na siya naming tinuluyan. Malugod kaming tinanggap nito at pinakilala kami ni Sir Allan sa kanya.



       At sa gitna ng usapa’y binukas niya sa amin ang kanyang saloobin ukol sa isyung kinakaharap ng komunidad nila sa bumili ng lupa kinatitirikan ng buong baryong iyon at ang sentimyento ng pook na iyon kay Sir Allan bilang tagapangasiwa at siya mismong namumuno ng skul.  Huli ko lang nalaman na habang nakatuloy pala kami doon ay umaaligid ang mga sekyung ang mga mata’y nakabaling sa mga bisitang di pamilyar sa kanilang mga paningin. Matapos ang malaya’t makabuluhang usapan ay tumuloy kami sa pawid na pag-aari ng asawa ng hipag ni Sir Allan. Umorder si Sir Allan ng apat na redhorse mucho at nag-ayang uminom. Makalipas ang ilang minuto’y dumating ang asawa ng hipag ni sir Allan. At dinaan niya sa maboteng usapan na magkaroon ng kalinawan ang di pagkakaunawaan na maliban pa sa manok na nakatali sa kanilang garaheng aming tinuluyan ay tanging kaming mga bisita, at ang kanyang asawa ang nakakaalam ng dahilan niyon at parang kami ang mga isinugo ng mga Anghel para maganap ang pambihirang pagkakataong iyon para sa kanilang dalawa na makapag-usap ng masinsinan. 


Hindi na namin namalayan ang oras na sadyang kay bilis lang dumaan at nang kinahapunan ay sinulit na namin ang pagkakataong makapaligo sa sadyang napakalinis na dagat na halos makita mo yung mga isdang nalangoy ng mabilis kahit sa mababaw na bahagi pa lang. 

Pagkabanlaw namin ay niyaya ko si Sir Obet na bumalik sa skul upang ma-charge yung camerang aking dala sa pamamagitan ng USB port. Iniwan namin ang aming drayber na isa ding guro, si Sir Allan at ang asawa ng kanyang hipag.

Tapos na ang klase sa skul at naabutan namin ang isang bentedos-anyos na guro doon at nagtanong ako tungkol sa mga karanasang kanyang naranasan sa paaralang yon. Naikuwento nya ang labis na pagtataka at pagtatanong ng kanyang mga kapwa guro na naka-assign naman sa progresibong siyudad sa ibat ibang bahagi ng Cavite kapag nagkikita-kita sila sa Division Office sa Trece Martires. Kinabibiliban sila ng ibang mga guro dahil ang kanilang pagtitiyaga at pagtuturo sa liblib na lugar na ito ay hinding-hinding matatawaran na siya ko naman talagang nasaksihan.

Isa sa mga pangunahing programa ng DepEd na mapaabot ang sistema ng edukasyon sa mga komunidad na malayo sa kabihasnan at ang turuan ang mga batang nakalagi dito upang ang suhay ng karunungan at pag-asa’y maihasik kahit sa pinakadulo’t pinakaliblib na dako maging bundok man o bahaging malapit sa dalampasigan. Sa madaling salita ay “hangga’t may estudyanteng pumapasok ay tuloy ang klase” sa nasabing lugar. Ang paaralang ito ay isang patunay na naisakatuparan ang nasabing programa na nasabing lugar na inabot ng halos tatlong taon sa kanila bago maganap ito.

Pero pinangangambahan ng mga mamamayan doon na slia’y mapaalis ng walang kalaban-laban dahil sa ang tagong sulok na ito na kaharap ang napakagandang dalampasigan ay pagmamay-ari na daw ngayon ng isang mayamang angkan at plano ito kumbersyunin bilang isang pribadong tourist attraction. Pinagtatakhan ko lang kung papaanong nabili ang nasabing lugar gayong ang lupang ito’y kabilang sa mga lugar na dapat pinangangalagaan ng estado at ang interes ng mga mamamayang matagal nang nakatira dito ang siyang higit na ikinunsidera. Nakasaad sa ating konstitusyon na “kinakailangang protektahan ng estado ang karapatan ng mga maralitang kulturang komunidad sa kanilang lupang ansestral (lupang minana pa nila sa kanilang ninuno) upang matiyak ang kanilang pang-ekonomiko, panglipunan at pangkultral na kagalingan.”*** May aksyon kayang ginagawa ang gobyerno ukol dito? At kung meron man, sapat na ba iyon para maalis ang pangamba ng mga mamamayan at magkaroon ng kasiguraduhan na di na sila mapapaalis doon?

At sa di inaasahang pagkakataon, isang malaking papel ang ginagampanan ng paaralan sa pagpapanatili ng komunidad doon. Lumayo ang loob ng mga mamamayan ng “pook” kay Sir Allan kesyo daw nakuha na ng mayamang may-ari ang loob ng mag-asawang nagpapatakbo ng paaralan at nawawalan na ng pag-asa ang mga mamamayan sa kanya, at susunod na lang sa kagustuhan nito na umalis sa lugar na iyon at maisakatuparan ang isang nagbabadyang balak na sukat-ikapagdurusa ng mga mamamayan sa hinaharap. Ngunit sa pagtatagpo nilang dalawa noong hapong iyon, unti-unting nawala ang makulimlim na ulap at nagpakita ang isang nagniningning na bahaghari.

Tanging ang apat na pulang bote at ang kubol na aming tinambayan ang siyang tahimik na saksi’t nakaparinig sa usapang naganap at ipinasya na ng langit kung ano lamang ang kikilingang batayan ng nasabing matabang guro.

Alas singko i–medya ng hapon. Nang balikan namin silang tatlo sa kubol ay niyaya ko na silang umuwi dahil sasamahan ko pa ang tatay na pumasada pa nang gabing iyon. Kami’y nag-ayos, nagpasalamat at namaalam na kay Sir Allan at sa asawa ng kanyang hipag. Magmula roon ay nagsimula na kaming maglakad sa tabi ng dalampasigan pabalik na sa kotseng gamit namin na nakapark sa bukana. Pinaplano namin nila Sir Obet na bumalik muli upang makapag-donate ng mga gamit pang-eskwela sa nasabing lugar. Maliban pa sa plano niyang iyon, gusto ko ding bumalik para mabahaginan din ang mga estudyante ng mabuting balita ng Diyos na marahil ay hindi pa nila naririnig sa tala ng buhay nila.

Nilisan namin ang lugar dala ang inspirasyon na hindi hadlang ang bundok at dagat upang maisakatuparan mo ang layuning nais mong maganap sa buhay na ito. At tunay ngang ang lahat ng pinaghirapan ay magkakaroon ng bunga kung mananatili kang tapat sa tungkuling inilaan sa iyo.

Hayaan niyong tapusin ko ang sanaysay na ito sa ganitong paghahalintulad.

Kung pamilyar ka sa isang barko at kapag itoy humimpil ay binababa ng kapitan ang isang angklang mabigat upang hindi ito tangayin ng agos at di mapalayo sa kinatitigilan nto. At sa kaso nila, wari’y iginawad ng mahabaging langit ang pabor na nagbigay kasiguraduhan sa mga mamamayang nakatira doon ngayon.

Pilit na niyayanig ng malakas na alon ang barko. Kailangan lamang maging matibay ang tali na nagdurugtong sa gitna nito. Hangga’t hindi ito iniaangat ay mananatili lang ang barko sa kanyang pwesto dahil malalim na ang kinalagyan nito sa paglipas ng panahon at sadyang matibay na bakal ang inihulog sa karagatan. Anuman ang mangyari’y ang barko’y mananatili.

At iyon ay dahil sa angklang nakatarak.

-----------------------------------------------------

*Ang Kaybiang Tunnel ay bahagi ng daang Nasugbu-Ternate Road Project ng pamahalaan na binuksan nung 2013. Ang pangalan ng nasabing tunnel ay halaw sa pagpapangalan ng mga lugar doon dati ng mga unang namalagi doon at kung kanino ito nabibilang. Ang bundok daw na iyon na binutasan para malagyan ng daan ay kabilang “Kay Biang”.

**Palayaw ng Bacoor Natonal High School- Annex na nasa Molino I, Bacoor, Cavite. Doon gumradweyt ng hayskul ang nagsasalaysay ng kuwentong ito.

***1987 Philippine Constitution. Article XII, Section 5: “The State, subject to the provisions of this Constitution and national development policies and programs, shall protect the rights of indigenous cultural communities to their ancestral lands to ensure their economic, social, and cultural well being.”










2 komento :

  1. Marami talagang mga mayayaman na wala nang mahalaga kundi pera hindi man lang inisip ang mga taong nakatira sa PATUNGAN.......
    Kawawa naman sila....kawawa ang mga kabataan.....saan cla dadalhin nang ganyang kalupitan.....

    TumugonBurahin
  2. Siya nga. Dalangin ko lamang na sila'y manatili sa lugar sa ngalan ng kanilang kinabukasan. Salamat sa pagbasa. :) @pakialamera

    TumugonBurahin