Linggo, Enero 11, 2015

Ang Huling Pagpasan

Nanawagan ako para sa hustisya.

Kanino ko ibabaling ang sisi?
Sa init ng araw?
Sa dami ng tao?
Sa tagal ng pag-andar?

Hindi naman siguro magiging katanggap-tanggap kung sa ganitong mga anggulo ko isisi.
Sa dedikasyon niya sa panata?
Sa kanyang katapatan?
Sa tindi ng pananampalataya niya?

Paano mabibigyang katarungan ang kanyang pagkamatay?
Sinong dapat managot?

Ang mga tao?
Na mas nakatuon ang atensyon na mahawakan ang poon kesa asikasuhin ang kalagayan niya?

Ang tradisyon?
Dahil sa pinagaling siya sa sakit kaya naman naging bahagi siya nito ulit?

Siya?
Na dahil sa kanyang kasigasigan ay di na inisip ang sarili na sa kasamaang-palad ay humantong sa pagkakakitil ng kanyang hininga?

Ang kanyang sariling desisyon?
Na dulot ng marubdob na paniniwala'y sinawing-palad at pumanaw na lang ng ganoon?

At lalo ko pang ikinababahala ay ang kanyang pinaroonan matapos siyang magcheck-out bigla sa mundong ibabaw.

Saan kaya siya napunta?
Sa langit kaya o sa impiyerno?
Iyan kasi ang nakasaad sa Bibliyang binabasa ko at binabasa din ng mga katoliko na pupuntahan lang ng tao.

Kasi kung may isang-daang porsiyentong makapagtitiyak sa akin na maganda ang kinalalagyan niya ngayon (batay sa pamantayang isinasaad sa Banal na Kasulatan [o Bibliya]), dito pa lang, tapos na ang usapang ito.

Kaso sa aking pagsasaliksik (kasabay ng pag-andar ng andas hanggang sa maipasok ang poon sa simbahan) ay wala akong makita, kaya nag-aagam-agam ako para sa kaligtasan ng kanyang kaluluwa.




Oo, mga kaibigan. Naghihinay-hinay ako kasi ayoko lumitaw na parang may pinapasaringan.
Uunahan ko na kayo. Wala po akong intensyong kumondena ng anumang paniniwala at nirerespeto ko ang anumang pinaniniwalaan ng bawat indibidwal.




Imulat lang sana natin ang ating mga mata. Buksan ang ating mga Bibliya. Unawain natin ang sinasabi ng Diyos sa atin at ano ba ang tama at dapat nating gawin upang makalapit tayo sa kanya. Para masuportahan iyan, sinasabi sa Juan 14:6,

"Ako (si Jesus) ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko."

Papasimplehin ko na.
Rektahang paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Na hindi nanatiling pinapasan ang krus. Kundi isang personang buhay at napagtagumpayan ang lahat. At nais mamalagi sa atin kung siya'y tatanggapin.


Hindi ko alam kung ano ang istorya ng buhay niya.
Naghahanap lang ako ng hustisya para sa kanya at sa paniniwalang nagpalagot sa buhay niya.
At di malayo na susundan iyon ng mga iniwan niya.


Nakasaad din sa banal na aklat na sa pamamagitan ng kanyang biyaya (grasya), tayo ay naligtas, at di sa ating mga sariling gawa, upang walang sinumang maaring magmataas.

Hindi ko pinapatamaan ang mga taong nakiisa at sumama sa buwis-buhay na tradisyong bahagi ng papanampalataya ng relihiyong kinamulatan ng bayang ito. Ito kasi ang paraan ng pag-uugnay ng kanilang mga sarili sa diyos na pinaniniwalaan nila.

Para sa ikababatid ng makakabasa, isa ang tatay ko sa mga debotong sumasali sa prusisyong iyon taon-taon. Noon yun. Buti na lamang at siya'y inabot ng Diyos sa kanyang kalagayan, nabuksan ang kanyang mga mata, at nasumpungan ang liwanag.

Napapaisip lang ako.
Kung wala sa mga ito ang dapat managot, sino ang maaring sumagot?

Kasi kung wala, lilitaw siyang isang biktima.

Ang lahat ng bagay ay may dahilan. Ang kanyang pagkamatay ay may dahilan.
Isa na riyan ang dahilan para makapanghikayat ako sa henerasyong ito na magbasa-basa din ng Bibliya pag may time.

At masasabi ko mula sa isang patas at mapagpakumbabang pag-aanalisa na may hindi tama sa dahilan ng kanyang pagkawala. At kung anuman ang dahilang iyon, kayo na ang humusga.
Wala kasi ako sa posisyong gawin iyon.

Ibinibigay ko na ang paghatol sa henerasyong ito na kakunti lang ang nagbabasa.

At ikaw na mapalad na bumabasa nito, masumpungan mo kahit papaano ang tunay na katotohanan para makapag-analisa din, magbigay-kaliwanagan, at makapagpalaya sa iyo.




At kung naunawaan mo ang nais kong iparating sa likod ng mga pangungusap na ito sa paglipas ng panahon, sa Diyos ang papuri.

Iyon ang hudyat na dininig na ng mahabaging langit ang panawagan kong mabigyan ang nag-iisang namatay ng katarungan.




------------------------
Para sa malaman ang kabuuang istorya, bisitahin niyo ang link na ito:
http://www.gmanetwork.com/news/story/401043/news/metromanila/devotee-escorting-nazarene-image-dies-during-procession






Walang komento :

Mag-post ng isang Komento