Lunes, Agosto 24, 2015

Tawag Ng Lansangan.

Pare.

Oo, ikaw na mahilig magsulat ng mga bagay-bagay. 
Hayaan mong kunin ko muna ang atensyon mo at isulat mo itong mga bagay na mamumutawi sa boses ko.

May mahalaga lang akong mensahe sa iyo na tiyak kong makakapagpabagal panamantala ng pinapabilis mong takbo ng buhay mo.

At wag ka munang magtangkang magsalita ha.
Pasalitain mo muna ako.

Umaamba ka nang magsalita eh.
Alam kong napakadali mong kausap.
Ako muna please.






Okey. Handa ka na? Simulan na natin.

Tindi mo tsong. Sa totoo lang, ang dami mo talagang alam.
Pero habang tumatanda kang pasulong (sana hindi paurong), eh lalo mo pang napagtatantong marami ka pang dapat malaman. Na isang magandang indikasyon ng iyong paglago na dahil sa pagkaunawa mong ito'y nais mong alamin at unawain pa ang mga bagay na hindi mo pa nalalaman.

Alam mo pre, may tip ako sa iyo.
Sa buhay na ito, hindi mo kailangang magmadali.

Ang lakas mo daw makabente-sais, yung iba sabi, trenta.
Eh bente-uno ka palang naman.

Kung makadiskarte ka sa buhay, daig mo pa ang may asawa, e binata ka pa lang naman.

Kung makapayo ka sa iba, akala mo kung sinong pantas na matagal nang nabuhay sa mundong kinakukulapulan ng kamangmangan pero ang sarili mo'y palihim na humihiyaw para sa aking kaalaman.

Kung makahamon ka ng laban sa bawat pagsubok ng buhay, akala mo hindi ka tatablan. Pero ang totoo'y tuwing masabuyan ka ng alon ay nag-aalangan ka nang sumagwan.

Pambihira ka talaga.
Hindi mo naman kailangang madaliing ganapin ang mga bagay na nakatakdang maganap. Hindi rin naman pwedeng madaliin nila ang mga bagay na itinakda nang maganap sa Kanyang panahon. 

Ba't ka nila minamadali?
Huwag kang magmadali.
Hindi bale nang pulido. Basta sigurado.

Heto pa.
Huwag kang magsawang magtanong. Hindi iyon tanda ng pagiging mangmang. Kasi makakakuha ka dun ng tamang kasagutan sa tanong mo, payo man ito o aral, utos man ito o banayad na pakiusap. Kalakip ng paalalang iyan ang iyong pakikinig.

Brad, makinig ka ng buong husay.
Doon sumisibol ang mga bagay na maluwalhati kapag naunawaan mo't isinagawa ang mga bagay-bagay bunga ng iyong pakikinig. 







Oops. Hindi pa ako tapos. 
Bago ka magsalita, pag-isipan mo muna.
Kasi di mo na mababawi iyon kapag naibulalas mo na.

Hindi ko maitatanggi na nakakahalinang kainin ang maraming putaheng nakahanda sa harapan mo. Pero payo ko, sa pagkain mo, sa panahong dinadaanan mo ngayon, piliin mo yung isusubo mo, at pag kinain mo, huwag mo lunukin agad. Nguyain mo muna nang maitapon mo yung mga batong maaring sumama sa kinakain mo, nang hindi ka ma-impatso at makuha mo ang sustansiya ng kinakain mo. May kapangyarihan kang pumili. Gamitin mo ng tama iyan nang di mo iluwa kalaunan.

Alam kong sanay na sanay kang maghintay. Tuloy mo lang iyan. Habang nasa gitna ka ng paghihintay ay alalahanin mo ang mga bagay na ito nang di masayang ang oras na dumadaan habang naghihintay. Ito ang magandang panahon kung saan ay maaari kang magbistay.

Tinatawanan lang kita noon sa tuwing iisnabin mo ko at di mo naiisip na masangguni man lang ang mga gagawin mo. Pero dahil mukhang sinusuyo mo ako"t hinahanap ngayon tulad ng isang makinang na diyamante na walang kapara at hindi mo ipagpapalit sa ginto at pilak, hindi ka mabibigo sa paghahanap mo. Sing-tamis ng pulot-pukyutan ang akin nang ipinalasap sa mga taong ako'y nasumpungan at ginawa nilang kaibigan.

Anak ka talaga ng Tatay mo. Nang Tatay mong nasa itaas na iba talaga mag-isip at ang iba'y hindi malirip. Gayahin mo siya kung paano niya tignan ang buhay, at mag-iiba ang pananaw mo pag nagkaroon ka ng matang katulad sa kanya.

Ikintal mo parati sa kukote mo iyan. Kasi may tendensiya kang makalimot. Ngunit kapag dinili-dili mo't tumimo sa iyo iyang mga paalala ko sa panahong dinadaanan mo ngayon, tiyak may kalalagyan kang maganda.







Di ba nasa gitna ka ng isang paglalakbay? Huwag ka lang bumiyahe mag-isa. Isama mo ako sa plano mo pag bumiyahe ka. Ginagarantiya kong mas malaki ang bentahe mo pag kasama mo ako.

Ano bang plano mo? Kung yung plano mo ay makinig sa plano ko, magandang plano iyan.

Yung plano ko kasi ay hinulma na ng Tatay mo. Nariyan lang naman ang Tatay mo. Makakaagapay mo ako kapag hiningi mo ako sa Kanya.

Kaibigan, titigil muna ako dito.
Pero ituloy mong gawin 'tong mensahe ko. Tumono man itong parang payong pang-kanto, magiging handa ka, anuman ang iyong maengkwentro. 




Nagmamalasakit sa iyo,

Karunungan.






Walang komento :

Mag-post ng isang Komento