Kung hindi dahil sa takdang aralin namin itong talambuhay na ito, hindi ko ito gagawin. Kasi pag naipasa ko na ito kay Gng. Espineli, wala na akong kopya. At ang panuntunan ay dapat nakasalaysay sa ikatlong persona. Ibig sabihin, bawal ang salitang "ako."
Isinilang siya ikalabimpito ng Setyembre 1993. Bingyan ng tatlong pangalan. Ikalawa sa magkakapatid. Dahil ang mga magulang niya ay may banal na pagkatakot sa Diyos, iyon ang ginawa nilang saligan upang mapalaki siya at ng kanyang mga kapatid ng tama.
Isinilang siya ikalabimpito ng Setyembre 1993. Bingyan ng tatlong pangalan. Ikalawa sa magkakapatid. Dahil ang mga magulang niya ay may banal na pagkatakot sa Diyos, iyon ang ginawa nilang saligan upang mapalaki siya at ng kanyang mga kapatid ng tama.
Ninais ng kaaway na kitlin ang kanyang buhay nang siya'y isang taong gulang pa lamang nang siya'y dumanas ng matinding kumbulsiyon na nagpatigil sa kanyang huminga ng may limang minuto. Sa gitna ng mga pangyayari, lumuhod ang kanyang ama sa altar na kinalalapagan ng kanilang Bibliya at nanalangin na kung Siya nga ay totoo ay bubuhayin niyang muli ang batang ito na Kanyang ipinagkaloob. Matapos manalangin ang kanyang ama, biglang huminga ng malalim ang batang iyon at namula muli ang kulay bayolet na katawan ng bata. Napagtibay nito ang katotohanang may Diyos na buhay. Naging maayos ang kanilang pamumuhay. Ang kanilang pamilya ay maalwan. Kinamulatan niya ang masaganang buhay. Lahat ng kanyang pangangailangan ay natutustusan.
Dalawang taong gulang nang siya'y magsimulang magbasa. Kinakitaan siya ng husay at katalinhuan sa kanyang pag-aaral. Tumanggap siya ng mga parangal dahil sa kahusayang ipinamamalas niya sa klase. Kapag tatanungin siya sa gusto niya maging sa hinaharap, nais niyang maging inhinyerong industriyal pagkat siya'y mahilig magtipid at nais niya na walang nasasayang. Siya'y may talentong kumanta, at natuto ding tumugtog ng mga karaniwang instrumento na ginagamit sa simbahan pagkat duon siya lumaki. Tanaw ang magandang kinabukasang naghihintay sa batang ito. Puno ng pag-asa at may simpleng pangarap.
Subalit walang permanente sa mundong ito. Unti-unting nagbago ang takbo ng mga pangyayari. Nagdesisyon ang kanyang ama na lisanin ang kanyang trabaho, ang kanyang ina nama'y tinanggal sa trabaho. Nagpundar ng iba't ibang negosyo ang kanyang ama ngunit lahat ng ito ay nauwi din sa wala. Bumaba ang pamantayan ng kanilang pamumuhay. Ang tanging natira na lamang ay ang kanilang pananampalataya dahil yun na lamang ang tangi nilang mapanghahawakan.
Sa murang edad ay namulat siya sa realidad at katotohanan ng buhay. Na ang mga bagay na hindi pa dapat niyang intindihin ay kanya nang iniintindi dahil ito'y nararapat at kinakailangan. Na nagbunsod sa kanya na linangin ang sarili sa mga bagay na kapaki-pakinabang. Lalo pang lumawak ang kanyang perspektibo nang maging drayber ang kanyang ama. Sinasamahan niya ito sa pamamasada pagkatapos ng eskwela. Ang kanyang ama ay isa sa mga taong nagbukas ng mga ruta ng isang malawak na kooperatiba sa bahagi ng Bacoor, Cavite. Apat na ruta sa Cavite at isa sa Alabang. Sa loob ng walong taong pamamasada ng multicab ay nakilala siya bilang anak ng pastor at nililibre parati kapag siya ay sasakay.
Sa kanyang paglaki, siya'y mahilig mag-obserba. At dahil sa gawaing iyon ay marami siyang nabatid. Pagtuntong niya ng sekondarya ay kinakitaan siya ng kakayanan sa pagsulat, pagbigkas, at pagsasalaysay. Kaya inisip niya na ang kukunin niyang kurso ay journalism o mass communication. Ngunit batid niya ang kakapusan ng kanilang pananalapi kaya pinalipad niya na lang sa hangin ang naisin niyang ito.
Nang mga panahong may talyer pa ang kanyang ama, tumutulong siya sa mga mekanikong nag-aayos ng mga makina, pati magpintura ay pinagmamasdan niya. Sa pamamasada nama'y siya'y naging konduktor at kalauna'y natuto na ring magmaneho. Doon niya natutunan kung paano makisalamuha, masaktan, magtiwala, tumulong at higit sa lahat ay magsilbi. Nang magkasakit ang kanyang ina, siya ang pumalit sa pag-aasikaso sa kanyang mga kapatid. Ang mga panahong iyon ay naging krusyal na pagkakataon pagkat ito ang naghubog sa kanya na maging responsable sa murang edad.
Dahil hindi nagmaliw ang kanyang mga magulang sa pagpapaunawa sa kanya na ikintal sa kanyang diwa na ang Salita ng Diyos ang dapat niyang maging batayan ng kanyang pamumuhay, sinaliksik Niya ito, at kanyang natagpuan na ang Diyos nga ay totoo at tapat.
Madami siyang pangarap. Ngunit napagtanto niya ang plano ng Diyos ay higit na mas maganda kesa sa mga pinaplano niya. Isinantabi niya ang kanyang sarili upang makapagsilbi sa iba.
Mas madali para sa kanya na piliing huwag isipin ang iba. Kaya niyang makipagsabayan sa talino at lakas kung ito ang pagbabatayan. Disin sana'y wala siya sa puwestong kinasasadlakan niya ngayon. Ngunit sa kabila ng kanyang katalinuhan, kakayanan at kalawakan ng pag-iisip ay pinili niyang magpakaaba. Dahil alam niyang itataas siya ng Diyos. At sa kabila ng kanyang mga pagkukulang ay ang Diyos ang siyang magkukumpleto sa kanya.
Nang pumasok sa kolehiyo, kumuha siya ng kursong mekaniko ng eroplano. At pinag-iigihan niya ang kanyang pag-aaral. Sa mga bagay na kanyang ginagawa, nais niya lamang na siya'y maging bahagi ng solusyon kapag may problema. At kapag nagkaroon ng magandang resulta, tanging ang Diyos lamang ang mapupurihan.
Tuwing sabado at linggo ay ginugugol niya ang mga oras sa mga gawain sa simbahan. Maligaya na siya kapag may stik-o na nakalatag sa meryendahan.
Sa ngayon, simple lang ang gusto niyang gawin sa buhay at sa mga darating na mga panahon. Ang may magawang matino sa isang araw at ayaw niyang palilipasin ito ng walang nagagawa.
Napagtanto niyang ang buhay na ito na ipinagkaloob sa kanyang Diyos ay may matinding dahilan. Hindi na niya ninanais na magpakatagumpay ng husto sa iba't ibang larangan. Maligaya na siya na ang buhay niya ay nabubuhay ng may kabuluhan at kahulugan.
Bilang pagtatapos, simple lamang ang kanyang hiling sa buhay na ito, na matutong bilangin ang mga araw na dumaraan, upang magkaroon siya ng pusong tigib ng karunungan*, at maging Handog sa Diyos*. Wala na siyang mahihiling pa.
*Awit 90:12
*Roma 12:1
Isinalaysay ni Aaron Paul P. Teodosio
BSAMT 3rd yr-Sec 3.
BSAMT 3rd yr-Sec 3.
Walang komento :
Mag-post ng isang Komento