Sabado, Abril 19, 2014

"Buti Na Lang."

Sa totoo lang, sa mga nakalipas na araw ay may mga ikinukunsiderang mga paksa na pwede kong ipangtema sa sulating ito na siyang maaring iakma sa okasyong magtatapos na ngayong Linggo ng pagkabuhay. Tas ayun, magmula kahapon ng umaga'y wala akong natatapos.

Hanggang dumating ang gabi ng Sabado de Gloria. Sa aming simbahan, matapos ang tugtugan ng papuri’t pagsamba’y nangaral ang aming Pastor tungkol sa pagbibigay. Ibinahagi niya ang dakilang ginawa ng Diyos Ama na dapat nating pamarisan kapag tayo’y nagbigay. Napukaw ang aking pandinig. At sumagi sa isipan ko ang isang simple ngunit makabuluhang tanong. Bakit nga ba may mahal na araw?

Dahil Born-Again ang paniniwala ng kaibigan niyong ito na nakabase sa pagkakaroon ng relasyon sa aking Tagapagligtas at lubos kong batid ang pagkaunawa, esensya, at dahilan, di na ako nakapailalim sa tradisyong dulot ng okasyong ito. Binago ko yung tanong. At nabuo ang tatlong salitang ito na tanda ng ekspresyon ng pasasalamat.

Dahil diyan sa pamagat, na-appreciate ko yung epekto ng mahal na araw na nagbigay benepisyo di lang sa akin kundi pati na rin sa kay gandang dulot nito sa iba na masasabi mong mga araw na iyo ding mamahalin. At base sa aking obserbasyon sa mga nagdaang araw ay heto ang napansin kong pwede kong ikunsiderang pagpasalamatan:

Buti na lang at may mahal na araw. Kasi kahit papaano’y itinatampok ang mga palabas na isinasadula sa makulay na tabing ng may mga telebisyon ang buhay at ang pagpapakasakit ni Kristo at nagkakaroon ng buhay ang mga kwentong nakalimbag ang mga titik sa Bibliya na minsan lang dapuan ng mga mata dahil marami sa henerasyong ito’y hindi mahilig magbasa, nababasag kahit papaano ang kaignorantihan at nagkakaroon ng kaalaman ang mga manonood sa pamamaraang biswal.

Buti na lang at dahil dito’y umiiwas muna ang iba na kumain ng matataba at makarneng pagkain. At least, napapatigil panamantala ang pagdami ng kolesterol sa katawan at healthy living ang peg sa okasyong ito.

Buti na lang at dahil din sa okasyong ito’y napakabilis bumiyahe sa daan. Napabukang-bibig pa nga ng kasama kong college teacher na isa ring magaling na dancer habang papunta kami sa bahay ng aming Youth Pastor sa Laguna ay naibukal nya sa kanyang pagkatuwa, “Wow, walang trapik. Sana, araw-araw ganito”. Kahit papaano’y nakaramdam ng ginhawa ang parating bising mga daan at kay bilis makarating sa mga gustong puntahan.

Gayundin ang kaybuting epekto nito sa mga araw-araw na pumapasok sa opisina at sinulit ang mga araw na nagdaan para makapiling ang kanilang mga pamilya, umuwi ng probinsya, sinamantala na magpakaliwaliw habang gumagala sa iba’t ibang dako at ang pinakamaganda sa lahat, makapahinga.

Makapahinga sa kay bilis at nakakapagod na takbo ng buhay sa siyudad o maglagi lang sa bahay at magpakahayahay ng walang iniisip na trabaho. Naalala ko yung mga nagtatrabaho sa mga Mall na halos buong taon, Lunes hanggang Linggo, 24/7 ay inialay ang mga buhay sa pagpasok kahit pasko at bagong taon. Pati sa kuryenteng kinukunsumo ng mga establisimyento sa siyudad at mga probinsya ay nakapahinga din sa paggamit.

Sa puntong ito gagawin kong homemade style ang aking pagpalaman sa tinapay. :)

Buti na lang at dahil sa okasyong ito ay tumitigil ang oras ng mga nakararami sa kanilang mga nakasanayang mga buhay. Kahit papaano’y nabibigyan muli ang lahat na maangkin ang oras na nakalaan at gugulin ito sa mga bagay na makapagbibigay ligaya at bumuo ng mga karanasang hindi malilimutan.

At sa pagkakataong ito’y nagkukusa din ang karamihan sa mga kababayan natin na alalahanin ang Maykapal na kadalasan ay nakakalimutan dahil sa kung ano-anong pinagkaka-abalahan at binabawi ito sa mahinahon o kaya’y sa mala-sadistang pamamaraan.

Lubos kong ipinagpapasalamat na hindi na ako lumaki sa paggunita ng anumang tradisyon at ang kinamulatan ko ay ang pagkaunawa sa natapos nang ginawa ng Panginoong Hesu-Kristo sa krus dalawang-libong taon na ang nakalilipas. Wala akong pinapatamaan. Wala din akong sinasabing mali. Ang punto ko lang ay may mas nararapat at mas magandang paraan upang alalahanin siya. At di lang iyon. Makasama din natin sya parati.

Buti na lamang at dahil sa kanyang pag-ibig, ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak. Alam mo bakit? Kasi nakasaad sa Banal na Kasulatan na “kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng kasalanan”. At ang dugo na tumigis kay Kristo sa krus ng kalbaryo ay isa nang sapat na alay para tayo’y malinis, mahugasan at mabigyan ng kapatawaran sa ating pagkakasala, (kung ito ay ating aariin) at ang lahat ng paghihirap na kanyang tinamo ay para sa ating ikagiginhawa. At para mabigyang kumpensasyon ang poot ng Diyos bilang kabayaran ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak, hindi na tayo mapunta sa tiyak na kapahamakan at magkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan din ng  pagsampalataya sa kanyang Anak.

Buti na lang at ginawa Niya iyon. Dahil meron akong buhay na walang hanggan na nararanasan ko ngayon. Maliban pa dun, maaari akong lumapit sa Kanya nang walang hiya at alam kong tutugunin niya ang aking mga panalangin.

Wala akong pakiramdam na isa siyang Diyos na kapag nagkasala ako e, magkaaway kami. O kaya yung pakiramdam na halos langit at lupa ang distansya ko sa Kanya. O kaya kailangang kong magpakahirap para makuha ko ang kanyang atensyon. Malaya akong hingin ang kanyang tulong at lakas, gayundin ang aking mga nais at kagustuhan sa buhay ng walang pagdadalawang-isip dahil ako’y banal, matuwid, karapat-dapat at kampante akong ipagkakaloob niya iyon ayon sa kanyang kalooban.

Oo. At ang lahat ng iyan ay dahil kay Kristo. At dahil din sa kanya, patuloy akong magiging benepisyaryo ng tunay na kapayapaan at kaligtasang di ko makukuha kahit saan. Pati na rin ang kaligayaha’t kapahingahang saglit lamang na ipinagkakaloob ng panandaliang okasyong ito.

Buti na lang din at itinakda ng Diyos Ama na mabuhay siya sa ikatlong araw. Ito ang siyang pinakamatibay na saligan at patunay ng aking pananampalataya. Kasi kung hindi, walang saysay ang mga sinasabi ko ngayon.

Kung kakamadahin ko sa mababaw na pagtatalastas, parang ganito. “Tapos na ang boksing, magtiwala ka na lang sa Kanya.”

Pagsampa ng lunes, balikan na ang mga tao at makalipas ng isa o dalawang araw, balik-normal na naman ang buhay. Ngunit pwede na nating huwag balikan ang mga bagay na nakasasama’t nakapagpapahirap sa atin dahil ang ating tagumpay, tatag, saya at biyaya ay nakasalig lamang kay Kristo at sa kanyang natapos na ginawa sa krus na minsan lamang namatay at nabuhay muli na siyang tanging tagapagbigay nito sa atin. At maranasan ang buhay. At sa kaso ko, buhay na kasiya-siya na aking mararanasan at tutuloy lang hanggang sa aking pagpanaw. Pinagtagumapayan na rin Niya kasi ang kamatayan.

Buti na lang talaga at ang Diyos ay nagbigay ng lubos at walang panghihinayang. Mayroon akong tinanggap. Sapat na upang ako’y maging maligaya sa aking pagpapasalamat dulot ng kanyang pagmamahal sa akin.

Buti na lang at naituro ito ng aming Pastor. Meron akong naisulat at naibahagi. Pinanariwa nito muli ang mga bagay na meron ako na kailanma’y mananatiling akin.

Nabuo rin ang salitang “tamang ligaya”sa akin nitong nagdaang araw. Ewan ko kung bakit. :)

Paano na lang kaya kung walang mahal na araw? Hindi na rin ako maghihinuha.
Hindi ko na lang din iisipin kung sakali.

Buti na lang talaga meron. :)



---------


Panginoon, salamat po sa inyong pagmamahal. Ako'y patuloy na mabubuhay sa ibinigay mong buhay. :)


Walang komento :

Mag-post ng isang Komento