Sabado, Hunyo 28, 2014

"Ang Silungang Bato."

Minarapat kong isulat ito sa wikang tagalog dahil sabi niya’y hindi siya ganun kagaling umintindi ng husto ng mga sulating halaw sa salitang Ingles. Dahil sa ito’y kanyang ipinakiusap, malugod kong ginawa ang sanaysay na ito para sa kabatiran ng kanyang pang-unawa at maipahayag ko ang aking pagkabilib sa kanya.

Nakilala ko siya sa kolehiyong aking pinapasukan noon sa Pasay. Naging kaklase ko sya noon sa ikalawang semestre ng aking ikatlong taon ng pag-aaral. Pinakilala siya sa akin ng isa ko ding kaklase na naging klasmeyt ko din nung nakaraang dalawang semestre. Unti-unti ko siyang nakilala dahil ang isa kong kaklaseng kakilala niya ay parati niya lang sinasamahan sa klaseng aming kinabibilangan, wala nang iba.  Nalaman kong sila pala’y naging magkaklase noong unang taon palang nila.  At dahil sa kaibigan ko ang kaklase niya na iyon, pinagtagpo ng tadhana ang aming mga landas.

Sa gitna na aming pag-aaral ay kinakitaan ko siya ng talino’t husay sa major subject na aming pinag-aaralan lalo na sa larangan ng  matematika. At dahil mahina ang nagkukuwentong ito sa larangang iyon, ako at ang isa kong kaklase ang kanyang suking tinuturuan pag di namin maintindihan ang algebra at calculus. Takbuhan namin siya pagka may assignments at bago kumuha ng test.

Napapansin ko na may mga panahong ang kanyang mukha’y di maipinta at parang naliligiran parati ng ulap ang kanyang mga mata. Sa aking pagtatanong at patuloy na pag-uusisa sa dahilan kung bakit ganun parati ang kanyang anyo na nung una’y halos ayaw niyang pag-usapan ngunit nung lumao’y ibinahagi niya din. Isinalaysay niya ang mga kapaitang kanyang nararanasan, mga pang-aasar na kanyang natatamo sa mga kapwa ko estudyante, ang paghamak na kanyang natatamo sa kanyang tiyo, ang hirap ng buhay na kanilang kinakaharap, mga pagsisi na kanyang patuloy na pinanghihinayangan (nung mga panahong iyon) at ang kawalan ng bilib sa kanyang sarili dahil pinalugmok siya sa kapaligirang negatibo mula sa kanyang pamilya at ang resulta ay inihiwalay niya ang kanyang sarili sa pakikipagkapwa sa iba, at sinisikap niyang maging highest sa klase at nakakakuha siya ng magagandang grado ngunit ang dahilan sa likod nito ay upang siya’y maging katanggap-tangap sa mata ng nakararami.

Pinagpatuloy niya ang kanyang buhay sa kabila ng mga bagay na kanyang mga nararanasan. Kami naman bilang mga kaibigan niya ay pinapalakas namin ang kanyang loob at ako mismo ay nagsasabi sa kanya na may Diyos na parating nakanatabay sa kanya kapag dumadating sa punto na gusto na niyang sumuko. Tapat ang Diyos at kailanman hindi siya pababayaan nito anuman ang mangyari. At may isa kaming guro na siya’y sinusuportahan habang siya’y kumukuha ng test para magkaroon ng lisensya sa pagiging mekaniko ng eroplano, na natapos din niya bago gumradweyt.
.
Ang kanyang pagtitiyaga’t pagsusumikap ay nagbunga nang siya’y makasama naming sumampa sa entablado ng PICC noong Marso. Isang tagumpay na nararapat para sa kanya matapos ang apat na taong pagbubuno ng pag-aaral . Ngunit sa likod ng tagumpay na ito nakatago ang isang reyalidad na siyang nagpaunawa sa akin ng husto ngayon na kaya pala sya nagbabaon parati ng itlog, kung bakit madungis parati ang kanyang polo kapag pumapasok, kaya pala ganoon ang kanyang mga pananaw na naisip niya sa kanyang sarili kapag nagbabahagi siya ng mga hinanakit at sama ng loob sa buhay na ito sa amin ay dahil sa kapaligirang kanyang pinagmulan at mga bagay na nakikita nya magmula noon at siyang kinaantigan ng puso ko’t naging inspirasyon ko sa ngayon.

Fast Forward.

Sumagi siya sa isipan ko nang tinawagan ako ng isang kumpanyang pinasahan ko ng resume upang magkaroon na ng trabaho na linya sa kursong aking pinag-aralan. Biyernes ng gabi, sinabi kong magpapatulong ako sa kanya para mag-review at masagutan ang iksameng kukunin dahil siya din mismo’y una nang nakapag-test sa kumpanyang tumawag sa akin. Pumayag naman siya at sinabi niyang pwede siya kinabukasan at may oras siya upang ako’y kanyang turuan.

Sabado ng umaga, pasado alas-diyes nang magkita kami sa SM Sucat dahil iyon ang itinakda niyang maging tagpuan namin, nakita kong basa ng pawis ang kanyang damit dahil siya’y galing sa paaralang elementarya ng kanyang kapatid, niyaya ko siyang magpalamig muna sa loob at niyakag ko siyang kumain kung san man niya gusto. Mcdo ang kanyang pinili.

Dahil wala kaming balita sa isa’t isa matapos ang graduation, kami’y nagkamustahan ng husto tungkol sa mga buhay-buhay at mga kaklaseng nagkatrabaho na’t mga wala pa, at mga bagay na pinagkakaabalahan para maipagpatuloy ang karerang aming sinimulan mula sa kursong aming kinuha. Naging masaya naman ang aming naging usapan at natuwa ako nang ipinaalam niya sa akin na siya’y tanggap na sa trabaho at sisimulan niya ang kanyang unang araw sa trabaho nung nagdaang dalawang Lunes.

Matapos ang kainan ay minabuti kong dumayo sa kanilang tirahan upang maibigay niya ang mga araling aking re-rebyuhin para pumasa sa iksameng aking kukunin.

Mula SM ay nilakad namin pahilaga ang maliit na bahagi ng Dr. A. Santos Ave., tumawid kami papuntang kanan, at naglakad pa muli ng kaunti hanggang umabot kami sa tulay ng San Dionisio. Inakala kong lalampas pa kami sa tulay ngunit napatigil ako nang sinabi niyang “Pre, dito tayo”. At sinundan ko siya pababa sa dalawang ga-dipang daang pababa sa tabi ng tulay, tumawid sa daanang gawa sa kahoy at narating na namin ang kanilang tirahan.

At sa sobrang pagkamangha ay napaupo ako sa kanilang papag na nagsisilbi nilang sahig. Nakilala ko ang kanyang ina at mga kapatid na nung mga oras na iyon ay kumakain ng kanilang tanghalian. At kinuha niya mula sa taas ng kanilang silungan na nagsilbing kanilang cabinet ang isang karton kung saan nakalagay ang lahat ng mga xerox copy at reviewers na kanyang pinag-aralan at binigay sa akin.

Nang matanggap ko iyon, sinabi kong babasahin ko muna lahat at saka na lang kami magtuos kinabukasan tungkol sa mga bagay na hindi ko maintindihan na kanyang pupunuan.

Kinabukasan, Linggo ng hapon, pagkagaling sa simbahan ay dumating ako sa kanilang bahay. Naabutan ko don ang kanyang Ama na habang dinuduyan ang kumot na nagsilbing higaan ng kanilang bunso’y nanonood ng basketball at ang kanyang ina’y sumisiyesta. Wala ang kaklase ko. Yun pala’y pumunta sa isang computer shop sa may bahagi ng San Dionisio at rumenta ng dalawang oras dahil naglaro ng dota. (yun ang paborito niyang past time at recreation nya). Nasabi ko sa nanay niya na ayos lang sa akin ang maghintay, at habang naghihintay ay binasa ko ang mga reviewer niya na ibinigay sa akin. At siyempre, dala ang camera ni kuya Edmund, pumitik na ako ng ilang litrato.


Alfante's Residence, San Dionisio BridgeParañaque City



Hindi ko mawari na iyon pala ang kanyang buhay na kinamumulatan niya araw-araw sa nakalipas na apat na taon. Kaya gayon na lamang ang pagkaantig ng puso ko na sa kabila ng ganoong sitwasyon ay nagpapakapanatili siyang matatag. Ang tatay niya’y isang construction worker at welder na nung mga panahong iyan ay namamasukan  sa EPZA sa bahagi ng Rosario, Cavite dahil may winewelding siyang bubong ng pabrika doon. Ang kanyang ina nama’y nangangalaga sa kanyang apat na kapatid na sumunod sa kanya. Maigi nga’t may kataasan ang bahaging iyon at kapag umuulan ay di inaabot ang papag nila dahil katabi lang sila ng ilog.




Ang “frontal view” mula sa kanilang papag.

At tinuloy kong binasa ang mga reviewers na kanyang ibinigay sa akin. Partida niyan ay kasalukuyang nanonood ang kanyang Ama ng basketball. Pinilit kong intindihin ang bawat katagang aking binabasa upang di ko ito malimutan sa araw ng pagkuha ko ng iksamen. Naalala ko siya bigla at naisip ko, “kung siya nga, kaya niyang mag-aral sa ganitong lugar, kaya ko din gawin dito.” Sa bawat minutong dumadaan ay sinulit ko ng husto ang pag-re-review sa bahaging iyon ng kanilang bahay.

Habang nagaganap iyon ay sinubukan kong ilagay ang aking mga paa sa kanyang sapatos. Naisip ko ang kanyang mga saloobin habang nakikita niyang naghahanda ang kanyang ina ng kanyang baon kapag papasok siya sa skul. Ang pagpupursige niyang maging magaling sa klase at kung paano siya nakakapag-aral ng maigi sa kabila ng lugar ng kinatitirikan nila. Ang pakiramdam na bumabagabag sa kanya kapag nais niya pang mag-aral ngunit dahil sa kahirapan ay lumilimita sa kanya at sinasakripisyo niya na lang ang mga ito. Sa kabila ng nagsasalimbayang emosyon at mga hinuha ko sa kanya habang nakaupo sa papag nila’y nagbunga naman ang aking determinasyon. Nakatagal naman ako ng mahigit isa’t kalahating oras sa pagbabasa’t pag-unawa ng mga inaaral ko. Na halos wala pa sa kanyang kalingkingan kapag ikinumpara ko ang aking saglit na karanasan sa kanya.


At sa wakas, dumating din ang aking inaantay. Kinamusta niya ang kanyang ina. Ang kanyang nanay naman ay sinabihan siya na bakit hindi man lang siya umuwi ng maaga at inantay siya ng kanyang bisita ng mahigit kumulang dalawang oras. Hindi pa nakapagmiryenda ang binata. Humigop siya ng kape sa iniinumang baso ng kanyang ina at matapos niyang ilagay ang papel na kanyang bitbit sa kanilang papag ay kinausap na niya ang kanyang naturang bisita.

         At nagsimula na kaming magtuos, tinuruan niya ako ng basic Algebra at ilang mga paksa sa hydraulics, mga computation at mga tips sa pagbabasa ng mga measuring instruments na ipinaalala niya sa akin dahil medyo nakalimutan ko na dahil sa mga iba’t ibang bagay na aking pinagkakaabalahan. Sa gitna ng kanyang pagtuturo sa akin ay di na namin namalayan na lumubog na pala ang araw. Maigi na lang at napasadahan na namin ang kailangan kong aralin at madali na lang sa ‘king pag-aralan ito at kailangan ko na lang maghanda para sa iksamen kong naka-skedyul kinabukasan. (Litrato sa Kanan: Si Reiner at ang kanyang Ina).
                           


Siya ang aking kaklase na si Reiner Alfante, disinuebe anyos. Siya ang pinakabatang may hawak ng Aircraft Maintenance License na iginawad ng Civil Aviation Authority of the Philppines (CAAP)sa kanya matapos niyang maipasa ang iksameng may 10 subjects kasabay ng pag-aaral niya sa PhilSCA.

            Alas-syete pasado na pala. Niyaya ko siyang samahan ako sa taas ng tulay dahil ako’y papanaog na. Bilang pasasalamat ay inabutan ko siya ng dalawang kulay ubeng papel upang kahit papaano’y di na siya manghingi sa magulang niya at para may sarili siyang panggastos at pamasahe din pagpunta niya sa PALExpress kinabukasan. Nag-usap pa kami ng ilang minuto at pumara na ako ng jeep papuntang Baclaran para puntahan ang sasakyan kong bus pa-Clark kinabukasan.

           Hindi lingid sa mata ni Pepito* ang tuwa matapos ang pangyayari. At ang mga bagay na nasaksihan ko sa lugar na iyon ay nag-iwan ng marka sa aking alaala.

          Tunay ngang walang makapipigil sa taong determinadong maabot ang kanyang ninanais sa buhay. Ang nasaksihan kong buhay ng kaklase kong ito ay nagpamulat sa realidad na kinabibilangan ng ating henerasyon ngayon at nagbigay inspirasyon sa akin na lalo pang mag-pursigi katulad ng kanyang ginawa ni Pepito sa kanyang sarili.  At dahil kasama ko ang Diyos, karamay ko siya sa pagtupad ng aking mga pangarap na nais ko ding maabot sa buhay.

         Marahil sumagi din sa isip niya na makakahawak din siya ng mga eroplanong kanyang naririnig kapag ito’y dumadaan o kaya kapag ito’y kanyang nakikita mula sa kanyang pwesto sa ilalm ng tulay.** At di na malayong magaganap na ito sa kanya. 

       Sinong mag-aakala na ang pinakabatang may lisensya ng pagiging mekaniko ng eroplano ay nakahanap ng kanlungan sa ilalim ng isang silungang bato?



 **eto ang senaryong sinasabi ko.


-------
*palayaw na ibinigay ng mga kaklase ko kay Reiner.

P.S.: Pre, eto na yung pangako ko. Para sayo ‘to. Haha.







Walang komento :

Mag-post ng isang Komento