Alas-otso trenta'y uno ng umaga.
Lumabas ako saglit ng bahay para magpa-load. Nakita ko si ate Ella na inaalalayan ang lakad ng kanyang apo, kapitbahay namin, at binati ako.
"Merry Christmas, Paul."
Napatigil ako saglit at tumugon ako. "Merry Christmas din po." Nag-usap kami sa gitna ng daan.
Matapos kong bumati ay bumitaw siya ng ganitong mga kataga.
"Grabe Paul no, ang hirap ng pasko natin, wala tayong pera. Dito lang tayo sa atin."
"Ay wala nga po sila diyan, ako lang po naiwan mag-isa sa bahay, luluwas din po ako mamaya pa-Nueva Ecija", tugon ko.
"San kayo sa Nueva Ecija?"
"Sa Cabiao po."
"Alam mo Paul, may mga borders akong natulungan, mga tiga-riyan sa Cabiao, ang ganda na ng buhay nila, nagtiyaga lang sila, mahirap lang buhay nila noon, pinatira ko sila sa akin dati, nung nakatapos, nagpapasalamat sila kasi natulungan ko sila, lalo na yung isang engineer, nakatapos ng pag-aaral tas pumasa pa sa board exam, maayos na mga buhay ngayon, mga Enriquez ang apilyido, baka makita mo sila."
"Marahil po malapit sila kela lola. Mga Sigua, Palma, magkakatabi lang po yung mga yun. Maitanong ko po sa kanila pagdating ko po dun."
"Ah dun pala kayo magpapasko. May mga kamag-anak naman kayo sa States di ba, nagpapadala naman sila sa inyo?"
"Ay opo, pero kapatid po ng nanay ni Mama iyon. Kela lola lang po muna kami tutuloy.
"Ah dun pala kayo magpapasko. May mga kamag-anak naman kayo sa States di ba, nagpapadala naman sila sa inyo?"
"Ay opo, pero kapatid po ng nanay ni Mama iyon. Kela lola lang po muna kami tutuloy.
"Maigi pa kayo, buong pamilya kayo mag-pasko, ako dito lang kasama ni kuya Gerry mo, wala akong pera. Dati nagbibigay ako sa mga bata pag ganitong pasko ng bente-bente. Ngayon, Paul, wala talaga. Nanghinayang ako kasi nag-resign ako ng maaga, pero ayos na din yun kasi pagod na rin ako. Mag-antay pa ako ng tatlong taon para sa pension ko, 57 na ako ngayon. Hirap ng walang trabaho.
Nagpatuloy akong pakinggan ang salaysay niya. Kita ko sa mga mata niya ang pagkabalisa.
"Si kuya Gerry mo, na-delay yung alis kasi pina-rebook siya ng agency di pa siya makasakay ng barko, nag-aantay siya ng tawag. Si Iris naman, nasa Dubai, magkano lang sinusuweldo niya, katorse-mil lang, madalang pa magpadala sa amin kasi nagbabayad pa siya ng mga utang saka gastusin. Si Esa naman, ayan sa apo ko napupunta yung sweldo niya sa call center (na naglalaro sa harap namin kasama ng mga maliliit na bata ng iba pa naming kapitbahay) ang hirap naman umasa sa kanila. Ang lungkot ng pasko ko ngayon, Paul.
"Ate Ella, hindi malungkot ang pasko mo, nakita mo yung apo mo o, malusog saka walang sakit.
hindi ka ba masaya niyan, may mga bagay sa buhay na di kayang bilhin ng pera pero pwede mong ipagpasalamat."
(bigalang lumingid ang luha sa kanyang mga mata)
"Sa totoo lang Paul, nagtitiis na lang ako sa ganitong kalagayan, napapaiyak na lang ako kasi ang dami kong tinulungan noon, parang alang nakakaalala sa akin ngayon. Ang tindi ng hirap na nararanasan namin ngayon."
"Ate Ella, may awa ang Diyos. Panadalian lang lahat ng iyan. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Gusto mo ipag-pray kita para gumaan iyang loob mo?"
"Sige."
At itinapal ko yung kamay ko sa balikat niya at kami'y nanalangin.
At sumambit kaming dalawa ng "Amen."
Pagmulat ng mata ko, lalo pa siyang umiyak at nagpunas ng luha na dumaan sa salamin niya.
"May awa ang Diyos, walang imposible sa kanya. Magtiwala ka lang ate Ella. Nakita mo naman si Mama ngayon, magaling na. Akala namin hindi na siya gagaling sa sakit niya noon. Yung tindi ng hirap ng buhay namin noon, akala namin hanggang doon na lang. Lahat yun binago ni Lord. Tandaan niyo po ito, ate Ella. Tapat ang Diyos. Hindi niya kailanman kakalimutan ang sinumang kumakapit sa kanya."
"Thank you Paul ha. Pasensya ka na, naiyak ako ng ganito." At pinupunasan niya pa din ang luha niya.
"Wala pong problema yun."
Nagpatuloy lang akong nakinig sa kanya.
"Alam mo Paul, naalala ka ng bayaw ko dati nung nandiyan kayo sa court ni Papa mo, nag-crusade kayo diyan dati, nung maliit ka pa nun nakita ka niya nagber-verse verse ka. Maloko yun dati, lasenggero. Sabi niya nasan na yung bata dun sa inyo na nagbe-verse, 'in the beginning, when God created', ganun. Sabi nung bayaw ko nasan na si Andrew, yung nag-mememory verse sa atin dati? Sabi ko sa kanya, hinde. Si Paul yun. Alam mo nasa UK na siya, nakapangasawa siya ng born again tas may katungkulan yung asawa niya dun. Ano ba yung mataas na posisyon sa inyo sa born again?
"Pastor po?"
"Oo ayun, Pastor yung asawa niya na babae, nasa UK na sila kaso di ko na sila makontak ngayon, para makuha ko sa kanya yung hiniram niya sa akin.
"Maigi po yun. Nabago buhay niya nang nakaparinig siya ng Salita ng Diyos. Nawa makontak niyo po siya ule para maibalik niya yung hiniram niya kay kuya Gerry.
"pero Paul, thank you talaga, gumaan ang loob ko."
At bigla siyang tinawag ng isa naming kapitbahay dahil inalok siyang kumain ng orange. Magalang akong nagpaalam at pumunta sa tindahan.
Nagnilay ako at isang bagay ang naunawaan ko. Hindi matutumbasan ng anumang salapi at yaman sa mundo ang biyaya ng langit na inihain ng Diyos sa bawat tao. Pinatunayan ng puntong iyon ang tunay na kahalagahan ng may Kristo sa puso ko at sa pamilya ko sa paglipas ng panahon.
Pagbalik ko sa bahay, kinuha ko yung gitara ko at kumanta ng awit ng pasasalamat sa Diyos.